Patay ang isang lolo matapos siyang hampasin sa ulo ng isang alluminum container o lalagyan ng tubig ng kaniyang nakaalitan na anak ng kaniyang kinakasama.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Oscar Abrogena ang hepe ng Bagabag Police Station, sinabi niya na lumalabas sa kanilang pagsisisyasat na dumating ang suspek na lango sa nakakalasing na inumin at nadatnan sa kanilang bahay ang biktima.
Nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa na naging dahilan para paluin ng suspek sa ulo ang lolo na isang 65-anyos.
Unang nakatanggap sila ng impormasyon mula sa mga residente sa lugar kaugnay sa kalagayan ng biktima na agad nilang pinuntahan subalit naabutan nilang wala ng malay.
Agad naman umano siyang dinala sa pagamutan subalit idineklarang dead on arrival ng kaniyang attending physician.
Isa sa nakikitang sanhi ng pagkasawi nito ay ang malakas na pagkapalo sa ulo nito at pagkabagok na rin matapos na matumba.
Ang suspek na kalaunan ay inaresto at dinala sa himpilan ng pulisya para idetain ay nag wala at nagawa pang sirain ang isa nilang kama.
Para sa kaligtasan din ng ibang naka detain sa himpilan ay pinosasan ang suspek at agad dinala sa pagamutan para sa medical assestment.
Sa mga karagdagang impormasyon na nakuha ng PNP napag-alaman na nagkaroon ng pag aaway ang suspek at kaniyang misis.
Aniya pansamantalang naghiwalay ang magasawa kaya posibleng nawalan na ito ng kontrol sa kaniyang emosyon at nagawa ang krimen.
Inihahanda na ngayon ng Bagabag Police Station ang kason isasampa laban sa suspect na kasong homicide.