--Ads--

Pumalo na sa higit limang milyon ang crowd estimate ng mga deboto at mananampalataya na nakiisa sa Kapistahan ng Poong Itim na Nazareno.

Batay sa pagtala umabot na sa 24 hours ang andas at ito na ang pinakamatagal na traslacion matapos ungusan ang higit 22 oras noong 2017.

Makalipas ang 24 oras, isinagawa sa gitna ng buhos ng ulan ang “Dungaw” – ang pagtatagpo ng mga imahen ng Jesus Nazareno at Nuestra Señora del Carmen de San Sebastian sa Plaza del Carmen.

Ayon sa pamunuan ng Minor Basilica and Parish of San Sebastian, pagpapaalala ito sa mga deboto ng walang kapantay na pagmamahal ng isang ina sa kanyang anak.

--Ads--

Samantala, isa pang pagkasawi ang naitala sa kasagsagan ng Traslacion. Batay sa ulat nasawi ang isang indibiduwal sa may bahagi ng Castillejos St. Maaaring naipit sa dami ng mga tao ang biktima o posible ring nagulungan ito ng andas.

Sa ngayon ay iniimbestigahan pa ang tunay na sanhi ng pagkamatay ng biktima.

Kung matatandaan kahapon naitala ang unang pagkasawi sa katauhan ng photojournalist na si Armelito “Itoh” Son habang nasa coverage ng Traslacion. Ayon sa mga medical staff nakaranas ng cardiac arrest o atake sa puso.

Samantala, ipinagpatuloy na ang pag-usad ng andas matapos na pansamantalang mananatili ito sa San Sebastian Church ngayong umaga ng Sabado, Enero 10 matapos na isinagawa ang tradisyunal na dungaw kung saan inilabas ang imahe ng Mahal na Birhen del Carmen.