CAUAYAN CITY – Umakyat na sa dalawa ang nasawi sa naganap na banggaan ng Motorsiklo at Pick up truck sa District 2, Benito Soliven Isabela.
Ito ay matapos na bawian na rin ng buhay sa pagamutan si John Mansibang, tatlumpu’t isang taong gulang na residente ng Brgy. District 1, Benito Soliven, Isabela.
Matatandaang idineklarang Dead on Arival sa pagamutan sa Gamu ISabela ang tsuper ng Motorsiklo na si Jayson Agustin, dalawampu’t limang taong gulang, binata na residente ng nasabing Brgy.
Patuloy namang inoobserbahan sa pagamutan ang kalagayan ni Randy Mansibang tatlumpu’t siyam na taong gulang na residente din ng Brgy. District 1.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Cris Mark Casilana, hepe ng Benito Soliven Police station sinabi niya na matapos ilipat sa isang pribadong pagamutan sa lalawigan ng Cagayan si Mansibang ay agad din siyang binawian ng buhay at iuuwi na sa bayan ng Benito Soliven.
Ikinagulat rin aniya ng pamilya ng biktima ang agarang pagkasawi nito.
Napagkasunduan naman ng pamilya ni Agustin na ilibing na lamang siya sa bayan ng Benito Soliven na sasagutin ng kanilang amo habang sinagot naman ni Sugitan ang kabaong ng biktima.
Matatandaan na mabilis na binabagtas ng mga biktima ang naturang kalsada ng makarating sa pakurbadang bahagi ng daan ay nag over take ito sa isa pang sasakyan sanhi para umagaw ito ng linya at masalpok ang kasalubong na pick-up truck na minamaneho ni Jaime Sugitan.
Dahil sa lakas ng banggaan ay tumilapon ang mga lulan ng motorsiklo habang nawasak ang harapang bahagi ng pick-up.
Muling nagpaalala si PMaj. Casilana sa mga motorista na mag ingat sa pagmamaneho ng anumang uri ng sasakyan upang maiwasan ang aksidente.