--Ads--

Naibalik na sa normal ang operasyon ng isang bangkang nasira kahapon sa Alicaocao Overflow Bridge matapos ayusin ang problema sa makina na nagdulot ng pagkaantala sa biyahe ng mga pasahero.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa tricycle driver na si Mario Molina, sinabi niyang na-stranded ang ilang residente dahil dalawang bangka lamang ang nakabiyahe habang inaayos ang sira.

Aniya, hindi na ipinaluwas pa ang bangka dahil posibleng tumirik ito sa gitna ng ilog at magdulot ng aksidente, kaya minabuti ng mga operator na isailalim muna ito sa pagkukumpuni sa kabila ng reklamo ng mga pasahero.

Ilang pasahero naman ang nagpaabot ng hinaing dahil nalate umano sila sa kanilang trabaho at doble pa ang pamasahe mula nang hindi madaanan ang overflow bridge noong Huwebes, dahilan para mas lumaki ang kanilang araw-araw na gastos.

Samantala, nananatiling hindi pa rin madaanan ang Alicaocao Overflow Bridge matapos umabot sa 39.20 meters ang water level nito bandang 5:20 ng umaga.

Batay sa datos ng BGD Command Center, may mataas na tsansa ng pag-ulan sa lungsod, na posibleng magpabagal pa sa pagbaba ng tubig at makaaapekto sa pagbabalik ng normal na daloy ng biyahe sa lugar.