--Ads--

CAUAYAN CITY – Babayaran ng  militar ang taniman ng mais ng mga magsasaka na napinsala matapos lumapag ang isang helikopter para maisakay ang nasugatang kasapi ng New People’s Army (NPA) sa naganap na labanan ng mga rebelde at sundalo sa Sta. Margarita, Baggao, Cagayan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Army Capt. Rigor Pamittan, hepe ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th Infantry Division Philippine Army  na humihingi sila ng paumanhin sa pagkasira ng taniman ng mga magsasaka.

Nakipag-ugnayan na aniya ang mga sundalo sa may-ari ng taniman ng mais maging sa pamahalaang barangay ng Sta. Margarita at pamahalaang lokal ng Baggao para sa pagkakaloob ng ayuda sa mga naapektuhang magsasaka.

Nakipag-ugnayan na rin sila sa Municipal Agriculture Office para matukoy ang halaga ng mga napinsalang mais nang lumapag ang helikopter para mabilisang makuha ang nasugatang NPA upang madala sa ospital.

--Ads--

May sinusunod na parameters sa pagpili sa lugar kung saan dapat lumapag ang air assets ng militar ngunit kailangan na agad na mailipad ang rebelde para mailigtas matapos masugatan sa naganap na labanan.

Ayon kay Capt Pamittan, ang sinagip na nasugatang kasapi ng NPA na isang Filipino-Japanese na alyas Brown  ay iniwan ng kanyang mga kasama matapos ang magkasunod na sagupaan noong February 13, 2023.

Nakipag-ugnayan din sila sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) at Cagayan Police Provincal Office (CPPO) at nang makita na malubha ang kanyang sugat ay gumamit ang militar ng helikopter ng Tatical Operations Group (TOG) 2 ng PAF  para agad siyang madala sa ospital.

Mula sa Camp Melchor F. Dela Cruz  Station Hospital sa Gamu, Isabela ay inilipat sa isang ospital para maoperahan ang tuhod na tinamaan ng bala.

Si alyas Brown ay nag-aral  sa isang kilalang pribadong unibersidad saMetro Manila at napangasawa ang isang alyas  Dessa na kasapi ng Komiteng Probinsiyang Isabela.

Prayoridad aniya na mailigtas si alyas Brown para makakuha ang militar ng mga impormasyon sa kanya tungkol sa kanyang mga kasama sa kilusan sa isasagawang custodial investigation sa kanya.

Makikipag-ugnayan din sila sa Philippine National Police (PNP) para malaman kung may kinakaharap na kaso sa hukuman si alyas Brown.

Ayon kay Capt. Pamittan, tinatayang 20 na lang ang tinutugis na kasapi ng Komiteng Probinsiyang Cagayan.