CAUAYAN CITY – Limitado ngayon ang mga aktibidad ng National Nutrition Council Region 2 para sa Nutrition Month dahil sa kasalukuyan pa ring pandemya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Nutrition Officer III Edzell Arcinue ng National Nutrition Council Region 2 sinabi niya na ang tema ng Nutrition month ngayon ay “Malnutrisyon patuloy na labanan, 1st 1000 days tutukan.
Aniya may mga aktibidad silang isasagawa upang I-promote ang 1st 1000 days program tulad ng pagsasabit ng mga streamers, pamimigay ng flyers na nagpapaliwanag kung ano ang ibig sabihin ng 1st 1000 days program.
May mga TV at Radio Programs din silang pinupuntahan upang ipaliwanag ang naturang programa.
Ayon kay Nutrition Officer III Arcinue, dahil sa pandemya hindi na masyadong nakakapagsagawa ang tanggapan ng face to face interactions bilang pag iingat sa Covid 19.
Aniya sa digital o online na lamang nila isinasagawa ang ilan sa kanilang programa tulad ng launching ng programa noong ikalawa ng Hulyo na nagkaroon sila ng webinar sa kanilang live sa facebook page.
Nilalagay na lamang sa kanilang page ang kanilang poster making contest at sa pamamagitan ng reacts at likes ang basehan ng mananalo.
Masaya naman ang National Nutrition Council Region 2 dahil marami sa mga LGU ang nagsasagawa ng sariliing programa patungkol sa Nutrition month.
Patuloy naman ang mga barangay Nutrition Scholars, health workers, midwife sa pagtuturo sa mga buntis upang alagaan ang mga anak sa sinapupunan maging ang mga ina na kasalukuyan ang breastfeeding.
Pababa naman ang trend ng mga batang malnourished sa rehiyon tulad ng mga underweight,wasted at mga bansot o hindi naaayon ang edad sa kanilang height.
Pataas naman ang trend ng mga overnutrition sa rehiyon tulad ng mga 0 to5 months old na mga bata ay mataba na.
Ito ang iniiwasan ng tanggapan na tumaas o bumaba dahil malaki ang epekto nito sa pagtanda ng mga bata dahil maaaring magkaroon sila ng non-communicable diseases.











