CAUAYAN CITY – Ikinatuwa ng National Public Transport Coalition na binibigyan ng pansin ng Kamara de representantes ang usapin sa Jeepney modernization.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ariel Lim, chairman and convenor ng National Public Transport Coalition na maganda ang naging resulta ng isinagawang pagdinig dahil nakinig ang mga kongresista sa kanilang mga hinaing tungkol sa Public Utility Vehicle (PUV) Modernization program ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Aniya, sa isinagawang pagdinig ay lumabas ang mga kooperatiba na nagkaroon ng problema at nakita ng mga mambabatas na hindi pa talaga handa at hindi tama ang proseso na ginagawa ng DOTr at LTFRB na programa.
Nagbigay ng pahayag ang ilang mambabatas na gumawa ng resolution para hilingin kay Pangulong Bongbong Marcos na palawigin ang deadline o kaya ay pag-aralang mabuti.
Umaasa sila na sa susunod na pagdinig ay maglalabas ang committee on transportation ng isang committee report.
Ayon kay Lim, ang pinagmulan ng jeepney Modernization ay ang clean care act at isinama nalang ang road worthy na madali namang ayusin dahil marami namang magagaling na mekaniko sa bansa at marami ring magagamit na piyesa.
Ang problema lang ay ang engine dahil sa mataas na standard na dapat ay Euro 5 at Euro 6.
Tinig ni Ariel Lim, chairman and convenor ng National Public Transport Coalition.