--Ads--

CAUAYAN CITY – Pabor ang National Public Transport Coalition sa pagbabawal sa mga e-trike sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ariel Lim, Chairman at Convenor ng National Public Transport Coalition, sinabi niya na nararapat lamang na pagbawalan sa mga highways ang mga e-trike o e-vehicle dahil wala naman silang prangkisa at kaukulang dokumento para bumyahe sa highway.

Wala aniyang prangkisa ang mga ito at pangpribadong paggamit lamang sana ngunit ginagamit na rin ng iba bilang pampasada.

Karamihan pa sa mga nagmamaneho ng mga e-trike ay walang mga lisensya at rehistro.

--Ads--

Wala naman silang problema na bumyahe ang mga ito sa pambansang lansangan o gamitin bilang pampasada basta magkaroon lamang sila ng prangkisa.

Nararapat lamang din aniyang maghigpit ang pamahalaan sa dumaraming bilang ng e-trike at tricycle na bumabagtas sa mga lansangan sa iba’t ibang lugar dahil sa pagsikip ng daloy ng trapiko.

Maganda aniyang mabalanse ang sitwasyon at maiwasan ang mga hindi pagkakaunawaan sa sektor ng transportasyon.