CAUAYAN CITY- Suportado ng National Public Transport Coalition ang 3-day transport strike ng Manibela.
Magsasagawa ng tatlong araw na transport strike ang grupong Manibela na magsisimula mula June 10 hanggang June 12 bilang pagtutol sa PUV consolidation.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Convenor Ariel Lim ng National Transport Coalition sinabi niya na paulit-ulit na mangyayari ang mga tigil pasada hangga’t hindi nasasagot ang mga tanong ng mga transport group.
Aniya kung talagang seryoso ang gobyerno lalo na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ay dapat hulihin na ang mga jeepney na bumibiyahe ng hindi pa nakapag-consolidate.
Masyado na din umanong matagal para hindi pa maipadala ang show cause order sa mga unconsolidated jeepney driver na siya umanong dahilan ng LTFRB kaya sila hindi makapang-huli.
Dapat na umanong ipakita ng gobyerno na sapat na ang mga modernized jeepney upang tugunan ang pangangailangan ng mga mananakay at upang mapahiya at tumigil na ang mga transport group.
Posible naman umanong iniiwasan ng LTFRB na magkaroon ng problema kung sila’y manghuhuli lalo na kung hindi nilang kayang panindigan ang kanilang gagawin.
Ginagawa naman umano ng Manibela ang transport strike upang ipakita sa gobyerno na dapat silang pakinggan at sagutin ang kanilang mga katanungan hindi upang manggulo.