Nakatakdang magtanghal ang P-pop girl group na BINI—na binubuo nina Jhoanna, Aiah, Colet, Maloi, Gwen, Stacey, Mikha, at Sheena—sa Coachella Valley Music and Arts Festival bilang bahagi ng kanilang kauna-unahang performance sa nasabing international event.
Ayon sa anunsyo ng organizers, magpe-perform ang grupo sa Mojave Tent sa loob ng 45 minuto sa Abril 10, alas-4:15 hanggang alas-5:00 ng hapon (oras sa U.S.), na katumbas ng alas-7:15 hanggang alas-8:00 ng umaga sa Abril 11 sa Pilipinas. Muli rin silang aakyat sa entablado sa ikalawang linggo ng festival.
Ang Mojave Tent, na ipinangalan sa Mojave Desert, ay isa sa pinakamalalaking tent stage sa venue at kilala bilang entablado para sa mga rising at mainstream artists. Ilan sa mga artist na nagtanghal dito ay sina Ed Sheeran, Weezer, at Carly Rae Jepsen.
Bukod dito, tampok din sa festival ngayong taon ang mga headliner na sina Sabrina Carpenter, Justin Bieber, at Karol G. Nakamit din ng BINI ang makasaysayang tagumpay bilang kauna-unahang homegrown Filipino act na magtatanghal sa Coachella, at nakatakda ring lumahok sa “Global Spin Live” ng GRAMMY Museum sa Abril 21, kasabay ng nalalapit nilang EP release na “Signals” sa Abril 9.







