
CAUAYAN CITY – Inihayag ng 95th Infantry Battalion, Philippine Army na iisa na lamang ang natitirang gumagawa ng mga Improvised Explosive Device o IEDs sa mga New Peoples Army o NPA sa lambak ng Cagayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Maj. Oscar Blanza, executive officer ng 95th IB na iisa na lamang ang natitirang miyembro ng NPA sa rehiyon na gumagawa ng IEDs na kinilalang si ‘Ka Buddy’.
Batay ito sa dati niyang kasamahan na sumuko na sa pamahalaan na si ‘Ka Papi’.
Magkasama aniya ang dalawa na nagsanay sa paggawa ng pampasabog noong 2016 sa Sitio Divisoria, Dibuluan, San Mariano, Isabela.
Ayon sa kanya, sa ikalawang rehiyon ay walo silang nagsanay noon sa pamamagitan ng pagtuturo ng isang eksperto.
Halos 1.2 milyon pesos ang ginastos ng mga ito para lamang makabili ng mga kagamitan sa paggawa ng pampasabog na binili pa sa Metro Manila.
Umaasa sila na makapag-isip-isip na ang naturang rebelde para wala ng makakagawa pa ng IEDs dahil napakadelikado ito sa kahit na sino.
Matatandaang noong isang taon ay halos isang daan ang narekober na pampasabog ng militar na ibinaba ni Ka Papi gayundin na halos pitong drum na materyales sa paggawa ng pampasabog ang kanilang nahukay.










