CAUAYAN CITY– Nagpapatuloy ang ginagawang hot pursuit operation ng militar sa nalalabing miyembro ng Komiteng Rehiyon Cagayan Valley matapos masawi ang dalawang rebelde sa naganap na magkasunod na sagupaan kahapon sa barangay Margarita Baggao, Cagayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Army Capt. Rigor Pamittan, Division Public Affairs Office Chief ng 5th Infantry Division Phil. Army, sinabi niya na nagsasagawa ng combat patrol operation ang mga kasapi ng 17th Infantry Battalion sa kagubatang sakop ng Barangay Sta. Margarita nang makasagupa ang tinatayang 15 miyembro ng Komiteng Probinsya Cagayan-Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley.
Nagtagal ang sagupaan ng mahigit 30 minuto na nagbunga ng pagkasawi ng isang NPA at pagkakarekober ng isang M4 commando riffle na may magazine, tatlong pistol,improvised Explosive Device, Magazine ng M16 at M14, M203 grenade launchers, Rocket Propelled Grenade o RPG ammunition,bandolier, radio, at Mac book.
Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation at muling natunton ng tropa ng 17th Infantry Battalion ang mga NPA.
Sa ikalawang pagkakataon ay nagkaroon ng sagupaan na nagtagal ng 15 minuto.
Muli ay isang NPA ang nasawi at isang Bushmaster rifle na may magazine ang narekober.
Nagpapasalamat naman si Capt. Pamittan sa pakikipag-tulungan ng mga magsasaka dahil sa kanila nanggagaling ang mga impormasyon kung saan matatagpuan ang rebeldeng grupo.
Handa naman ang mga ahensiya ng pamahalaan na magpa-abot ng tulong sa mga residenteng pansamantalang magsilikas sa kanilang mga tahanan dahil sa naganap na engkwentro.