--Ads--

Natagpuan ng mga awtoridad ang bangkay ni John Ysmael Mollenido, anak ni Police Senior Master Sergeant Diane Marie Mollenido, sa Barangay Maluid, Victoria, Tarlac na nakabalot sa tape.

Ang walong taong gulang ay nawawala na ng isang linggo matapos ang pagkawala ng kanyang ina.

Noong Sabado ng hapon, natagpuan ang bangkay ng pulis sa isang sapa sa kahabaan ng Pulilan–Baliuag Bypass Road sa Barangay Dulong Malabon, Pulilan, Bulacan.

Mas maaga nitong Huwebes, nakakita ang mga awtoridad ng bakas ng tila dugo sa loob ng bahay ng isang car agent na kabilang sa mga persons of interest sa pagkawala at pagpatay kay Mollenido, ayon kay PLt Margaret Panaga, tagapagsalita ng Special Investigation Task Group (SITG).

--Ads--

Ang bahay, na matatagpuan sa Barangay San Agustin, Novaliches, Quezon City, ay sinuri ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) noong Miyerkules ng gabi matapos matukoy ng mga imbestigador na iyon ang huling lugar na nakita si Mollenido nang buhay.

Sa pahintulot ng abogado ng agent, isinailalim ang bahay sa crime scene processing at forensic examination.

Ang may-ari ng bahay, na nagsilbing agent sa pagbebenta ng sasakyan ni Mollenido, ay isa sa mga persons of interest sa kaso.

Ayon sa pulisya, noong Enero 16, pumunta si Mollenido sa bahay upang makipagtransaksyon sa buyer ng kanyang sasakyan, kasama ang anak niyang si John Ysmael.

Batay sa pahayag ng person of interest, nakatanggap umano siya ng tawag mula kay Mollenido kinabukasan, Enero 17, na nagsasabing siya at ang anak ay tumuloy muna sa bahay ng kaibigan.

Naniniwala ang pulisya na makatutulong ang salaysay ng agent upang malinawan ang mga pangyayari kaugnay sa pagkawala ni Mollenido.

Noong Enero 24, natagpuan ang bangkay ni Mollenido na itinapon sa isang sapa sa kahabaan ng Pulilan–Baliuag Bypass Road sa Barangay Dulong Malabon, Pulilan, Bulacan.

Ang kanyang mga labi ay binalot ng tela, inilagay sa itim na garbage bag, at tinakpan ng plastik.

Batay sa paunang ulat ng SOCO, namatay si Mollenido dahil sa tama ng bala sa ulo.

Sinusuri rin ng mga imbestigador ang posisyon ng biktima nang siya ay barilin, dahil sa pababang trajectory ng bala.

Samantala, sa Quezon City, nagsagawa ang SOCO ng luminol test sa loob ng bahay ng agent upang matukoy ang posibleng bakas ng dugo. Ang luminol ay isang forensic chemical na nagliliwanag sa ilalim ng espesyal na ilaw kapag nag-react sa dugo, kahit sa maliliit na bakas at nakakita umano ang SOCO ng bakas ng dugo sa banyo, lababo, at drainage area ng bahay.

Dagdag pa niya, hinihintay pa ng pulisya ang opisyal at confirmatory laboratory results mula sa SOCO.

Patuloy ding sinusuri ng mga awtoridad ang mga CCTV footage upang matukoy kung paano naipadala ang mga labi ni Mollenido mula Quezon City patungong Bulacan. Ayon sa SITG, hihintayin nila ang buong ulat ng SOCO upang matukoy ang eksaktong timeline at mga pangyayari sa krimen.