Isang baka ang natagpuang kinatay sa Purok 4, Barangay San Miguel, Ramon, Isabela, sa panibagong insidente ng cattle rustling.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Jay-ar Almeda Olya-on, hepe ng Ramon Municipal Police Station, sinabi nito na patuloy pa ang kanilang imbestigasyon sa naturang insidente matapos iulat ng may-ari ng baka ang nangyari.
Ayon sa pulisya, base sa pahayag ng may-ari na si Arjay Orphilia, iniwan pa umano nito ang kanyang alagang baka sa lugar bandang alas-onse ng gabi ngunit nang balikan niya ito kinabukasan ay napansin na nawawala na ang hayop at may mga bakas ng dugo sa lugar kung saan ito nakatali.
Sinabi ni pa ng Hepe na ayon sa may-ari ay nakita umano sa lugar ang ulo, ilang laman-loob at paa ng baka, habang pinaniniwalaang tinangay ng mga suspek ang ibang bahagi ng karne.
Gayunman, nang dumating sa lugar ang mga pulis ay wala na umanong natagpuang mga ebidensya dahil hapon na naipagbigay-alam sa kanilang himpilan ang insidente kaya nahirapan ang mga imbestigador sa pangangalap ng mga posibleng ebidensya.
Sa ngayon ay nagsasagawa na ang pulisya ng pagba-backtrack ng CCTV footage at pakikipagpanayam sa mga posibleng saksi upang matukoy ang mga person of interest sa kaso.
Ayon pa sa pulisya, kung mapapatunayang kaso ito ng cattle rustling ay maaaring humarap sa mahigit 12 taong pagkakakulong ang sinumang mapatutunayang responsable sa naturang krimen.
Samantala, nanawagan ang pulisya sa mga residente, lalo na sa mga nag-aalaga ng hayop, na tiyaking ligtas ang kanilang mga alaga at agad na ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang lugar.









