CAUAYAN CITY – Ipinarating na sa tanggapan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagkawala ni PStaff Master Sgt. Antonino Agonoy, Intelligence Officer ng Cabatuan Police Station.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, hindi tumitigil ang pamilya Agonoy upang mahanap ang nabanggit na pulis.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginang Delia Agonoy, ina ng PStaff Master Sgt. Agonoy na nauna na ring ipinarating sa tanggapan ng NBI ang pagkawala ng kanyang anak.
Sinabi ni Ginang Agonoy na ang pinakahuli nilang hakbang ay ipinarating nila ito sa tanggapan ng Pangulo.
Halos apat na buwan nang nawawala ang pulis at umaasa ang ginang na matagpuan din ang kanyang anak buhay man o patay na.
Magugunitang noong June 2,2022 ay nagtungo pa si Agonoy sa Police Regional Office o PRO 2 at kinabukasan, ay ipinatawag siya ng kanilang hepe ng pulisya.
Mula sa nasabing araw ay hindi na siya nakauwi at hindi matawagan ang kanyang cellphone.
Noong ikaanim ng Hunyo 2022 ay natagpuan ang kanyang motorsiklo sa Cauayan City Sports Complex.