
CAUAYAN CITY – Patuloy na pinaghahanap ang isang pulis na nakatalaga sa Lasam Police Station sa Lasam, Cagayan na limang araw ng nawawala.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Gemma Camangeg, kapatid ng nawawalang pulis na si PMSgt. Jovelyn Camangeg, sinabi niya na noong February 18 ay nagpaalam sa kanya ang kapatid na magtutungo sa lunsod ng Tuguegarao para magloan lulan ng kanyang orange Toyota Wigo na may plakang BA1788.
Alas kuwatro ng hapon ng natura ring araw nang magpaalam siya na magtungo sa bayan ng Lasam para kunin ang slim coffee na idedeliver niya sa Solana, Cagayan.
Nagpaalam din ang pulis na makikitulog sa kanyang kaibigan sa Tuguegarao City pagkatapos niyang magdeliver ng slimming coffee.
Gayunman ay tumawag aniya ang kaibigan ng kapatid at sinabing hindi nakitulog sa kanya si PMSgt. Camangeg.
Sinubukan nilang tawagan ang numero nito ngunit hindi na makontak maging sa kanyang messenger.
Ayon sa kanya, malaki ang hinala nilang may kinalaman ang dati nitong asawa sa biglaan niyang pagkawala.
Hinihinala rin nilang may kinalaman ito sa kasong isinampa ni PMsgt. Camangeg sa Ombudsman.
Sa ngayon ay nagsasagawa na ng pagsisiyasat ang mga kasapi ng Lasam Police station sa pagkawala ng kanilang kasapi.
Si PMSgt. Jovelyn Camangeg ay nakatalaga sa Lasam Police Station na residente ng Centro 2, Lasam, Cagayan.
Siya ay may dalawang anak na edad dalawa at pito at kasalukuyang hiwalay sa asawa.
Nanawagan si Ginang Gemma Camangeg sa sino mang nakakaalam sa kinaroroonan ng kanyang kapatid na ipagbigay alam sa kanila para mabawasan na ang kanilang pag-aalala dahil araw-araw din siyang hinahanap ng kanyang mga anak.










