--Ads--

CAUAYAN CITY- Inaresto ng mga kasapi ng Cauayan City Police Station ang isang agent ng NBI matapos sigawan ang takutin ang grupo ng mga menor de edad habang nasa impluwensiya ng nakalalasing na inumin.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Police Inspector Sosimo Zambrano, hepe ng Investigation Section ng Cauayan City Police Station , ang dinakip ay si Kelvin Jay Caoili, 29 anyos, may-asawa, residente ng Cabaruan Cauayan City at kasapi ng Cyber Crime Division ng NBI Isabela.

Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya na ang suspek ay naglabas ng posas matapos makita ang 9 na mga batang nag-iingay sa barangay District 2, Cauayan City.

Batay sa salaysay ng mga bata, tinakot sila ng suspek sabay sigaw sa kanila.

--Ads--

Binigyang diin naman ni Caoili na nais lamang niyang umuwi na ang mga menorde edad na nag-uusap dahil hatinggabi na ay nag-iingay ang mga biktima.

Nagsumbong ang mga batang biktima sa mga alagad ng batas at dinakip si Caoili.

Pinayuhan naman ni Inspector Zambrano ang mga magulang ng mga bata na huwag hayaan ang mga batang pagala-gala sa kalunsuran sa disoras ng gabi dahil may ipinapatupad na cirfew hour sa mga kabataan.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 7610 ( anti child abuse law) ang suspek na labis na nagsisisi sa kanyang nagawa.