Nagpasa ng irrevocable resignation si National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago.
Sa liham na ipinadala kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pamamagitan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, sinabi ni Santiago na aalis siya sa puwesto kapag mayroon nang opisyal na papalit.
Ayon sa kanya, hindi na niya kayang tiisin ang mga paninira at intriga laban sa kanya. Pinahayag din niya ang pasasalamat sa administrasyong Marcos at tiniyak ang patuloy na suporta rito.
Ibinahagi ni Santiago na nang tanggapin niya ang posisyon, ipinangako niyang lilinisin ang ahensya mula sa mga tiwaling tauhan. Aniya, nagsimula ang mga paninira nang magpasa siya ng courtesy resignation, kasunod ng kautusan ni Pangulong Marcos sa ilang opisyal ng gobyerno.
Dagdag niya, patuloy ang pagkilos ng mga taong nais sirain ang kanyang reputasyon at interesado sa kanyang posisyon.
Si Santiago, dating trial court judge, prosecutor, at pulis ng Maynila, ay itinalaga bilang NBI chief noong Hunyo ng nakaraang taon.











