--Ads--

Inirekomenda ng National Bureau of Investigation o NBI ang pagsasampa ng kasong kriminal laban kina Senador Joel Villanueva, Senador Jinggoy Estrada, Ako Bicol party-list Rep. Elizaldy “Zaldy” Co, dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo, dating Caloocan 2nd District Rep. Mary Mitzi “Mitch” Cajayon-Uy at dating Bulacan District Engineer Henry Alcantara.

Sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects ngayong Martes sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ang mga kasong inirerekomenda ay indirect bribery at malversation of public funds.

Ayon kay Remulla dinala niya si Alcantara sa Department of Justice o DOJ para sa pagrebisa ng kanyang affidavit at para matukoy kung maaari itong maisailalim sa Witness Protection Program matapos ilahad ang mabibigat na alegasyon.

Dagdag pa niya, nakipag-ugnayan na rin sila sa Anti-Money Laundering Council o AMLC upang maisama ang digital file ng reklamo at naglabas na umano ito ng freeze order sa mga bank account ng mga sangkot.

--Ads--

Kinumpirma rin ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na anim ang tinukoy ng NBI na dapat masampahan ng kaso na sina Alcantara, Villanueva, Estrada, Co, Bernardo at Cajayon-Uy.

Kakaharapin ng mga ito ang paglabag sa Section 3 ng Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act), Article 211 ng Revised Penal Code (indirect bribery), at Article 217 ng Revised Penal Code (malversation of public funds).

Lahat ng anim na opisyal ay iniuugnay sa maanomalyang flood control projects sa bansa matapos isiwalat nina dating Bulacan District Engineers Henry Alcantara at Brice Hernandez na nakatanggap umano ng kickback sina Villanueva, Estrada, Co at Cajayon-Uy mula sa mga proyektong sangkot sa katiwalian.