Nagsampa ng reklamo ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa vlogger na si “Sir Jack” sa Department of Justice (DOJ) dahil umano sa pagpapakalat ng maling impormasyong medikal tungkol kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr..
Ayon sa NBI, nahaharap si Sir Jack, na kinilalang si Jack Argota, sa mga reklamong cyberlibel at unlawful publication kaugnay sa kumalat na dokumento sa social media noong Enero na naglalaman umano ng sensitibong impormasyon tungkol sa kalusugan ng Pangulo.
Nauna nang inilarawan ng Malacañang ang naturang dokumento bilang “gawa-gawa at malisyoso.” Lumabas ang isyu matapos ang naging konsultasyong medikal ni Marcos sa St. Luke’s Medical Center dahil sa diverticulitis o pamamaga ng mga supot sa dingding ng malaking bituka.
Ayon sa ulat, humarap na si Argota sa NBI bilang pagtugon sa ipinadalang subpoena at nagsumite ng kanyang pahayag kaugnay sa mga alegasyon. Hinihintay pa ang kanyang opisyal na komento sa isinampang reklamo.
Nauna na ring nagsampa ang NBI ng cyberlibel complaint laban kina Jay Sonza at Eric Celiz kaugnay ng parehong insidente.









