
CAUAYAN CITY – Ipinatigil na ng pamununuan ng NBI ang pagkuha ng NBI clearance dahil sa coronavirus (COVID-19).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Gelacio Bongat, Regional Director ng NBI Region 2, sinabi niya na alinsunod sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagsailalim sa Enhance Community Quarantine sa buong Luzon ay napagpasyahan ng kanilang central office na kanselahin na ang pagpapalabas ng NBI clearance simula kahapon hanggang April 14.
Ito aniya ang kanilang ipinatigil dahil araw-araw na dinadagsa ng mga tao ang mga opisina ng NBI.
Gayunman, ang mga may dati ng aplikasyon ay sa April 14 na nila makukuha dahil nakabakasyon na rin ang iba nilang kawani.
Sa kanilang investigative section ay nanatili namang bukas para sa mga gustong maghain ng reklamo.










