--Ads--

Patung-patong na kaso ang inihain ng National Bureau of Investigation (NBI) sa apat pang vloggers na inakusahang nagpakalat ng fake news na sumisira sa tiwala ng publiko sa pamahalaan.

Kabilang sa isinampang reklamo ang mga paglabag sa Anti­Alias Law, Unlawful Use of Means of Publication, at Inciting to Sedition sa mga vloggers na natunton ang lokasyon sa Saudi Arabia, United Kingdom, New Zealand at Pampanga.

Sinabi ni Senior Agent Raymond Macorol ng NBI-Criminal Investigation Division (NBI-CRID), na minanipula ng apat na vloggers ang video sa pamamagitan ng pag-splice at pagpapalit ng ibang konteksto.

Aniya, ito ay ang mga binanggit ni NBI Director Judge Jimmy Santiago na kakasuhan ang mga OFWs na nagpapakalat ng maling balita at kapag may inilabas nang warrant of arrest ay saka sila aarestuhin.

--Ads--

Nakikipag-ugnayan na ang NBI sa mga awtoridad sa ibayong dagat at sa loob ng bansa para sa pagsusulong ng legal na aksyon at posibleng pagdakip sa mga ito.

Ang NBI ay nanga­ngalap din ng karagdagang ebidensya laban sa iba pang indibidwal na umano’y sangkot sa pagkalat ng disinformation.

Kasabay nito, nagpaalala si Macorol sa publiko na ang pagsi-share ng nasabing fake news video ay mahaharap din sa kaso.