Pumanaw na ang National Collegiate Athletic Association (NCAA) 2-time champion na si Jimly Lantaya dahil sa komplikasyon sa puso sa edad 24.
Ang 6-foot-8 na slotman ay na-diagnose ng thoracic aortic aneurysm at sumailalim sa operasyon sa puso ilang buwan na ang nakalipas sa Philippine Heart Center.
Ang thoracic aortic aneurysm ay isang kahinaan sa pangunahing ugat ng katawan na matatagpuan sa dibdib.
Ang kanyang kondisyon ay natuklasan ilang taon matapos niyang gumanap ng mahalagang papel sa pagkapanalo ng Colegio de San Juan de Letran sa NCAA Seasons 97 at 98.
Bukod sa collegiate career, naglaro rin si Lantaya para sa Gensan Warriors sa Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) at naging bahagi ng National University-Nazareth School team na nagtala ng perpektong 16-0 kampanya sa UAAP Season 82.
Nagluksa ang MPBL sa pagpanaw ng tinagurian na “gentle giant” na matapang sa loob ng court ngunit mapagpakumbaba at mabait sa labas nito.
“Ang MPBL ay nagdadalamhati sa pagpanaw ng manlalaro ng Gensan Warriors na si Jimly Lantaya. Mahal siya ng kanyang pamilya, mga kaibigan, at mga kakampi. Isa siyang matapang na manlalaro sa court, ngunit mabait, mapagpakumbaba, at palakaibigan sa labas nito,” ayon sa pahayag ng liga.
Nagpahayag din ng lungkot ang kanyang dating teammate sa Letran na si Fran Yu, na ngayon ay naglalaro para sa NorthPort sa PBA.





