CAUAYAN CITY – Nahaharap sa kasong pagpatay ang isang negosyante matapos barilin ang isang lalaki sa Minanga, Tumauini, Isabala.
Ang pinaghihinalaan ay si Arnold Taccad, 32-anyos, may asawa, at residente rin ng nasabing barangay.
Habang ang biktima ay si Pedro Rosales, 47-anyos, may asawa at residente ng Balug, Tumauini, Isabela.
Nadakip ang pinaghihinalaan sa mismong bahay nito sa pangunguna ni PMaj Rolando Gatan, ang chief of police ng Tumauini Police Station.
Boluntaryong isinuko ng pinaghihinalaan ang kanyang Cal. 45 pistol na sinasabing ginamit nito sa pamamaril.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Rolando Gatan, sinabi niya na napadaan lamang sa sakahan na pagmamay-ari ng suspek ang biktima kasama ang apat na iba pa.
Sila ay galing sa bukid para kumuha ng gulay at manghuli ng ibon.
Aniya, laging nawawala ang bunga ng mga tanim na pakwan ng pinaghihinalaa kaya binantaan nito ang grupo na humantong sa pamamaril at dahilan ng pagkasawi ng biktima.
Isinugod pa sa pagamutan ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival.
Inihahanda na ang kasong pagpatay laban sa pinaghihinalaan na si Taccad.
Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng pulisya sa mga kasamahan ng biktima para sa mga karagdagang detalye may kaugnayan sa pangyayari.











