CAUAYAN CITY – Patay ang isang negosyante at kanyang ipinagbubuntis na pitung buwang sanggol matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem criminal sa barangay Flores, Naguilian, Isabela.
Ang biktima ay si Marissa Tagain, 42 anyos, residente ng Cabaruan, Naguilian, Isabela at may negosyo ng pagpapautang.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PCpt Gary Macadangdang, hepe ng Naguilian Police Station na ang biktima ay sakay ng motorsiklong minamaneho ng kanyang live-in partner na si Santos Domingo, 43 anyos, magsasaka at residente ng Disimuray, Cauayan City.
Ang dalawa ay maniningil sana ng mga pautang sa Flores, Naguilian nang sila ay lampasan ng isang motorsiklo na may dalawang sakay.
Bumunot ng baril ang angkas ng motorsiklo at pinagbabaril ang mga biktima nang sila ay matapatan.
Tinamaan sa ulo ang biktimang si Tagain na naging sanhi ng kanyang kamatayan at ng kanyang pitung buwang ipinagbubuntis.
Nakaligtas si Domingo matapos na makatakbo nang matumba ang minamanehong motorsiklo.
Ayon kay PCpt Macadangdang, lumabas sa kanilang imbestigasyon na maraming pautang ang maglive-in partner at nagkakaroon sila ng suliranin sa kanilang paniningil sa mga nakautang.