CAUAYAN CITY- Nadakip ang isang negosyante at kanyang tsuper sa isinagawang checkpoint sa national highway sa Barangay District 3, San Manuel, Isabela.
Sa isinagawang checkpoint ay tumambad sa paningin ng mga pulis ang nasa loob ng sasakyan na isang Cal. 45 at nang suriin ang bag na nasa loob ng sasakyan ay nakita ang tatlong bala ng baril at tatlong sachet ng hinihinalang shabu.
Ang tsuper ng Ford explorer ay si Camilo Dela Cruz, 37 anyos, may-asawa at residente ng Punganay, Amulung, Cagayan
Puntirya sana ng isinagawang checkpoint ang negosyanteng si Maria Nadine Clo-olivio, 36 anyos na residente ng Mayondon , Los Banos, Laguna na mayroong nakabinbing kasong syndicated estafa na sakay ng nasabing sasakyan.
Nauna rito ay nakatanggap ng impormasyon si P/Sr. Insp. Rey Lopez, hepe ng San Manuel Police Station sa National Bureau of Investigation ( NBI ) na ang sasakyan ng negosyanteng babaen ay nakita sa Barangay Nueva Era.
Bumuo ng isang pangkat ang hepe at nagsagawa ng checkpoint sa harapan ng kanilang himpilan upang pigilin ang sasakyan ng mga pinaghihinalaan.
isinilbi ng pulisya ang warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Gregorio Velasquez ng RTC Branch 35 sa Laguna laban sa babaeng negosyante.
Bukod sa kinakaharap na kasong syndicated estafa sa babaeng negosyante ay mahaharap din kasama ang kanyang tsuper ng mga kasong paglabag sa Republic Act 10591 (New Firearms Law ) at paglabag sa Republic Act 9165 ( Coprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).




