--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagbabala ang isang negosyante sa lungsod ng Cauayan matapos muntikang mabiktima ng Budol-budol Gang.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Jun Santos, may ari ng isang Laundry Shop, sinabi niya na may isang babaeng nagtungo sa kanilang shop at sinabi sa empleyado na may utang siyang limang sako ng bigas at sinisingil na nito.

Ayon sa empleyado wala ang kanyang amo at kunwari namang tinawagan ng babae si Ginoong Santos ngunit napansin ng empleyado ang pakikipag usap ng babae na iloco dahil hindi umano nakakapagsalita ng iloco ang kanyang amo.

Dito na nakatunog ang empleyado na nagkukunwari ang babae at iginiit na wala ang kanyang amo ngunit pinipilit nito na kahit mas mababang halaga na lamang ang masingil nito.

--Ads--

Mula sa limang libong piso ay ibinaba hanggang sa isang libong piso ang hinihingi nito ngunit iginiit naman ng empleyado na wala pa silang koleksyon.

Dahil hindi na nito mapilit ang empleyado ay sinabi nitong babalik na lamang saka mabilis na tumakbo palayo sa lugar.

Ayon kay Ginoong Santos maaring may mga kasamahan pa ang nasabing babae na nagsisilbing lookout.

Aniya hindi lamang ito ang unang pagkakataon na may mga budol-budol gang sa lungsod dahil marami nang nabiktima ang mga ito sa ibat ibang lugar sa lunsod ng Cauayan.

Pinaalalahanan naman niya ang publiko na maging mapagmatyag sa mga hindi kilalang taong nagtutungo sa kanilang mga establisimiento o bahay upang hindi mabiktima ng mga kawatan.