CAUAYAN CITY – Depression ang nakikitang dahilan ng pulisya sa pagpapakamatay ng isang negosyante matapos niyang barilin ang kanyang misis at kanilang anak sa Abinganan, Bambang, Nueva Vizcaya.
Patay si Gng. Catherine Ramel, 49 anyos, manager ng isang rural bank habang nasa critical na kondisyon ang anak na si Monica Ramel, 19 anyos matapos silang barilin ng kanilang padre de pamilya na si Reonel Ramel, 49 anyos na nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili.
Sa imbestigasyon ng Bambang Police Station, pauwi na galing sa bukid si Nixon Domingo nang makarinig ng putok ng baril mula sa bahay ng mag-asawang Ramel.
Nang lumapit ay nakita ni Domingo si Reonel na nagsisisigaw sa harapan ng kanilang bahay at sinabing tumawag ng pulis dahil sila ay magpapakamatay.
Muling nakarinig ng putok ng baril dahilan upang puntahan ni Domingo ang bahay ni Reonel at dito nakitang duguan ang mag-asawang Ramel maging ang anak na si Monica.
Agad dinala sa ospital ang tatlo subalit binawian ng buhay ang mag-asawang Ramel.
Nagtamo ng tama ng bala ng Caliber 45 sa kanyang ulo si Reonel habang tinaman sa tiyan ang asawang si Catherine at anak na si Monica.
Sinasabing nakakaranas ng depression si Reonel Ramel matapos kasuhan sa hukuman ng frustrated murder ng kanyang kapatid na tinaga niya bunsod ng away sa lupa.




