CAUAYAN CITY – Tinatayang aabot sa P-100,000 na kita at puhunan ng isang pamilya ang tinangay ng mga di pa kilalang kalalakihan sa San Mariano, Isabela.
Ayon kay Mrs. Deli Tinaza na tubong Upi Gamu, Isabela, kasama niya ang kanyang pamilya sa pagtitinda ng inaangkat na tinapay tuwing araw ng linggo sa pamilihang bayan sa San Mariano.
Ayon sa biktima, kumain lamang sila kahapon ng tanghali (May 7, 2017) sa isang karindirya subalit dahil sa dami ng tao sa palengke ay hindi na nila namalayan kung sino ang kumuha sa kanyang bag na naglalaman ng malaking halaga ng pera.
Iimbestigahan naman ng mga otoridad ang CCTV Camera sa palengke upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek.
Ayon naman kay Market Supervisor Charlie Angi, lagi silang nagbibigay ng babala sa mga negosyante dahil marami umanong mga dumadayong mga kawatan sa kanilang palengke.
Pinag-iingat nito ang publiko na laging maging alerto lalo na tuwing Market Day.