CAUAYAN CITY – Alitan sa negosyo ang isa sa mga anggulong iniimbestigahan ng mga pulis sa pananambang at pamamaril kagabi sa isang negosyante sa San Rafael, Roxas, Isabela.
Nagtamo ng tama ng baril sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima na si Demy Buluran, 36 anyos, may asawa, negosyante at residente ng Nueva Era, San Manuel, Isabela habang naaresto ang suspek na si Lando Simpliciano, 32 anyos at residente ng Nuesa, Roxas, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Roxas Police Station, binabagtas ng biktima ang lansangan patungong Timog na direksiyon sakay ng kanyang kotse nang harangin ng suspek na sakay ng motorsiklo at pinagbabaril.
Nakahingi ng tulong si Buluran sa mga kasapi ng Roxas Police Station na nakabantay sa quarantine checkpoint sa Barangay Bantug.
Agad na nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga pulis at nakorner at naaresto ang suspek sa Sotero Nuesa, Roxas, Isabela.
Narekober sa crime scene ang 7 basyo ng Caliber 9mm na baril.
Ginagamot sa isang ospital ang biktima habang nasa kustodiya na ng Roxas Police Station si Simpliciano na mahaharap sa kasong frustrated murder.
Samantala, personal na away may kaugnayan sa negosyo ang nakikitang dahilan ng mga awtoridad sa naturang insidente.
Batay sa Roxas Police Station, dating magkasosyo sa negosyo ang dalawa ngunit nagkaroon ng problema kaya nagkanya-kanya sila ng negosyo.











