--Ads--

CAUAYAN CITY– Iniimbestigahan ng pulisya ang ilang anggulo sa pagbaril at pagpatay kaninang umaga sa isang kilalang Chinese businessman sa Cauayan City.

Ang biktimang si Robert Uy, 58 anyos ay agad na namatay matapos barilin sa ulo ng riding-in-tandem suspect habang naglalakad kaninang alas diyes ng umaga sa Roxas Street, District 2, Cauayan City.

Kilalang negosyante sa Cauayan City si Robert Uy dahil sa pagpapaupa ng mga gusali at pagpapautang sa mga kapwa negosyante sa pamamagitan ng kanyang lending business.

Kilala ring negosyante sa Cauayan City ang kanyang mga kapatid.

--Ads--

Sa nakuhang impormasiyon ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Insp. Zosimo Sambrano, chief investigator ng Cauayan City Police Station, susuriin nila ang kuha ng CCTV Camera sa lugar kung saan binaril ang biktima para matukoy ang mga suspek na sakay ng motorsiklo.

Kabilang sa mga iniimbestigahan ang anggulong may kinalaman sa negosyo at personal na dahilan ang pagpatay sa negosyanteng Chinese.