
CAUAYAN CITY – Kinumpirma ng DA Region 2 na may mga namamatay nang alagang manok sa lambak ng Cagayan dahil sa laganap na sakit ngayon na tinatawag na Newcastle disease.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Manuel Galang, Veterenarian 3 ng DA Region 2 na mayroon na silang natatanggap na ulat tungkol sa mga napepesteng manok o tinatamaan ng Newcastle disease.
Aniya, karaniwang tumatama ang sakit na ito kapag summer months o di kaya ay tuwing papasok na ang panahon ng tag-ulan.
Ayon sa kanya, ang Newcastle disease ay konektado sa mainit na panahon dahil kapag sobrang init at biglang mag-iiba ang panahon ay bababa ang resistensya ng mga poultry animals at napakalaki ang tsansa na sila ay magkasakit.
Nahahawa naman ito sa pamamagitan ng direct contact at napakabilis na kumalat.
Sa ngayon ay mangilan-ngilan pa lamang ang naiuulat sa kanila na mula sa Cagayan at Isabela kaya pinayuhan na nila ang mga Provincial Veterenary Office na magmonitor para kung kailangan ng magbakuna ay nakahanda lamang ang bakuna sa kanilang tanggapan na ibibigay ng libre.
Hinikayat naman niya ang mga may alagang manok, pato o pugo na kung napansin ang kanilang alaga na magulo ang balahibo, nanghihina, nakadapa lang, nakababa ang pakpak at ang leeg ay nagiging baluktot ay ihiwalay na at magreport sa Municipal Agriculture Office ng kanilang munisipyo o di kaya ay sa Provincial Veterenary Office na nakakasakop sa kanila at puwede ring direkta sa tanggapan ng DA Region 2 sa lunsod ng Tuguegarao at magrequest ng bakuna.
Pinayuhan din niya ang publiko na huwag ng katayin ang manok kapag may sakit na dahil baka muling kakalat ang sakit sa pamamagitan ng kanilang dugo.










