Nagkaroon ng inisyal na pagpupulong ang National Food Authority (NFA) Isabela sa pamahalaang lokal ng Santiago City upang makipag-negosasyon sa pagpapataas ng Government Buying Price ng Palay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Acting Branch Manager Maria Luisa Luluquisen ng NFA Isabela, sinabi niya na ito ay bahagi ng kanilang PALGU Program o ang Palay Marketing Assistance Program for Legislators and Local Government Units.
Sa ngayon ay nasa 23 pesos kada kilo ang presyo dry na palay habang 18 pesos per kilo naman ang sariwa.
Ngunit sa pamamagitan ng PALGU Program ay maaari itong dagdagan ng mga Local Government units ng higit sa piso kada kilo depende sa napagkasunduan sa NFA.
Layunin aniya nitong matugunan ang demand ng mga magsasaka sa mataas na presyo ng palay at kumita ng malaki kaya naman pupulungin nila ang bawat LGU’s sa lalawigan para rito.
Para makapagbenta sa NFA ay kinakailangan lamang magdala ng RSBSA ID, isang valid ID at magtungo sa pinakamalapit na bodega ng NFA at magdala ng sample ng palay upang makita kung ang kanilang produkto ay pasado sa specifications ng ahensya.
Isa sa mga specification na kinuskunsidera ng NFA ay ang moisture content sa mga sariwang palay na dapat ay naglalaro lamang sa 19% hanggang 30% dahil ito lamang ang nababasa ng kanilang moisture meter.
Tinitignan din nila ang impurities nito kagaya na lamang ng mga naihalong mga damo sa palay maging ang discoloration nito.
Batay sa kanilang datos, umaabot sa 21 days na buffer stock ang kanilang naiimbak sa lalawigan na nakahanda para sa mga LGUs at DSWD.