--Ads--

Ipinaliwanag ng National Food Authority (NFA) Isabela ang pagpapatupad ng pagbebenta ng bigas sa halagang P20 kada kilo bilang bahagi ng programa ng pamahalaan upang matulungan ang mga magsasaka ng palay, mangingisda, at iba pang sektor na itinuturing na bulnerable sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Information Officer Kaeshania Nicole Bonifacio, sinabi niya na noong una ay nilimitahan lamang ang pagbebenta ng P20 na bigas sa mga senior citizen, solo parents, persons with disabilities (PWDs), mga benepisyaryo ng 4Ps, at minimum wage earners. Layunin umano nitong tiyakin na ang mga higit na nangangailangan ang unang makikinabang sa programa.

Gayunman, pinalawak na ngayon ang saklaw ng programa upang mas marami pang sektor ang matulungan. Kabilang na sa maaaring makabili ng murang bigas ang mga tricycle at jeepney drivers na apektado rin ng mataas na gastusin sa araw-araw.

Ang mga itinalagang redemption site o lugar na maaaring pagbilhan ng bigas ay ang NFA Santiago City, NFA San Mateo, NFA Roxas, at NFA NPGT sa Echague. Kinakailangan lamang magpakita ng valid ID na inisyu ng kinauukulang tanggapan na kumakatawan sa kanilang sektor, tulad ng RSBSA ID para sa mga magsasaka, Senior Citizen ID, Solo Parent ID, PWD ID, LTFRB ID para sa mga driver, at 4Ps ID.

--Ads--

Para sa mga magsasaka, maaari silang bumili ng hanggang 50 kilo sa loob ng limang buwan bilang kabuuang alokasyon. Kung personal na magtutungo ang magsasaka sa tanggapan ng NFA, maaari na niyang kunin ang buong 50 kilo. Subalit kung kinatawan lamang ang bibili, hanggang 10 kilo lamang ang maaaring makuha sa naturang alokasyon upang masiguro ang maayos na distribusyon.

Samantala, para sa iba pang benepisyaryo, maaaring makabili ng hanggang 10 kilo bawat transaksiyon at hindi hihigit sa 30 kilo bawat buwan.

Bukas ang mga tanggapan ng NFA mula Lunes hanggang Byernes, alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon, upang tumanggap ng mga kwalipikadong benepisyaryo at maserbisyuhan ang kanilang pangangailangan.