--Ads--

CAUAYAN CITY- Iginiit ng National Food Authority (NFA) Luna na ginawa nila ang tamang proseso sa pagbili ng palay matapos magreklamo ang ilang magsasaka mula sa Benito Soliven dahil tinanggihan ng NFA na bilhin ang kaban-kabang mga palay na ibinebenta ng mga ito.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ronald Acosta, ang House Supervising Officer ng NFA Cauayan at Luna, sinabi niya na wala silang pinapaboran at pinipili sa pagbili ng palay.

Iginiit nito na may kuto o insekto ang palay na ibinebenta sa kanila ng mga magsasakang mula sa Benito Soliven at hindi pa aniya ito pumasa sa moisture content na 14% below kaya hindi ito binili.

Sa katunayan aniya, wala namang mali sa kanilang ginawa dahil umaabot sa 800-900 na magsasaka ang nakapagpa-schedule kung kaya’t kinakailangan nila na sundin ang schedule batay sa kanilang logbook.

--Ads--

Lumalabas kasi aniya na ang mga kasalukuyang nagbebenta ng palay ngayon sa nabanggit na bodega ay ang mga nakapagpa-schedule lamang noong Marso at Abril at lahat naman umano ay nakakapaghintay ng 3-4 na buwan bago nabili ang kanilang palay.

Aniya, tinatawagan nila ang mga magsasaka batay sa schedule at sinisikap nilang matawagan ang 900 na mga nagpa schedule.

Dagdag pa niya, may mga pagkakataon talaga na matagal ang pagbili ng palay dahil nakakapag-accommodate lamang ang NFA Cauayan at Luna ng 10-13 na magsasaka kada araw at ngayon ay nasa 500 pa lamang aniya ang na accommodate ng NFA simula noong Marso.

Giit pa nito, maraming naging dahilan sa pagbagal ng proseso ng pagbili ng palay – isa na rito ang pagbabakante ng mga bodega para makapag-procure o makabili ulit sila sa mga magsasaka.

Aniya, inabisuhan naman ang mga magsasaka na dapat tiyaking nasa maayos na lugar ang mga palay habang naghihintay ng kanilang schedule.

Dapat aniya na nasa loob ito ng isang establisimiento, bahay man o bodega upang hindi ito mabasa at magkaroon ng mga insekto.