CAUAYAN CITY – Bigo ang National Food Authority o NFA Region 2 na makamit ang palay procurement target nito sa unang quarter ng taon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Officer-in-Charge Liza Balagot ng NFA Region 2 sinabi niya na bagamat naging maigting ang ginawa nilang kampanya upang makabili ng palay ay naging mababa ang turn out ng kanilang procurement.
Itinuturing nilang rason dito ang mas mababang procurement price ng NFA kumpara sa presyo ng mga pribadong traders.
Ngayong buwan ng Abril ay nakabili na ang NFA ng sampung libong sako ng palay at ito ay mula lamang sa lalawigan ng Cagayan.
Dahil sa mababang turnout ng pagbili ng palaya ay tanging sa Region 2 lamang ang kinayang suplayan ng NFA Region na dating nagsusuplay din sa NCR.
Pinasalamatan naman niya ang mga magsasaka na kahit mababa ang kanilang buying price ay naglaan pa rin ng kanilang ani na ibinenta sa NFA.
Muli naman niyang hinikayat ang mga magsasaka na magbenta sa NFA ng kahit portion o bahagi lamang ng kanilang ani dahil ito ay mapupunta naman sa kanilang buffer stock na nagagamit tuwing may kalamidad.











