--Ads--

CAUAYAN CITY – Inihayag ng National Food Authority (NFA) Region 2 na itinaas na ang kanilang Palay Buying Price sa P23 mula sa dating P19 bawat kilo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Rhic Ryan Lhee Fabian, Regional Public Information Officer ng NFA Region 2, sinabi niya na itinaas ng NFA Council ang presyo ng tuyong palay sa P23 habang sa fresh naman ay P19 matapos itong aprubahan ni Pangulong Bongbong Marcos.

Ang panukalang P20 at P25 na buying price ay masyadong mataas at ang itinakdang presyo ay ibabalanse ang kita ng mga magsasaka at retail prices.

Ayon kay Fabian kung ikukumpara sa mga pribadong traders ay malayo ang deperensya sa presyo ng NFA kaya walang masyadong nagbebenta sa kanila.

--Ads--

Ngayong taon, batay sa kanilang monitoring nasa 160,000 bags pa lamang ang kanilang nabiling palay kaya napakaliit kung ikukumpara sa nakalipas na taon.

Ang kanilang puntiryang bilang ng mabibiling palay ay nasa tatlong milyong bags.

Dahil sa pagtaas ng presyo ay umaasa ang NFA na makakabili na sila ng mas malaking volume ng palay upang mapunan ang kanilang target na buffer stock.

Tiniyak naman nito na hindi gaanong mahigpit ang NFA sa mga binibiling palay dahil ang dati pa ring alituntunin ang kanilang sinusunod at itinaas lamang ang presyo kaya hinikayat niya ang magsasaka sa rehiyon na magbenta ng aning palay sa NFA Region 2.

Tinig ni Rhic Ryan Lhee Fabian, Regional Public Information Officer ng NFA Region 2.