CAUAYAN CITY – Nanindigan ang National Food Authority Region 2 na hindi sila sangkot sa pagbebenta ng mga NFA rice sa mga traders.
Una rito ay pinaratangan si NFA Administrator Roderico Bioco na nagpahintulot na ibenta ang pitumpu’t limang libong bags ng NFA rice sa ilang traders.
Batay sa memorandum na inilabas umano ni Assistant Administrator for operations John Robert Hermano noong ikalabintatlo ng Nobyembre, 2023, kabilang sa mga pinadalhan ay ang NFA Region 1; Region 2; Region 4, at Region 5.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Atty. Rhic Ryan Fabian, tagapagsalita ng National Food Authority Region 2 na sa ngayon ay minimal na lamang ang suplay ng ikalawang rehiyon kaya walang katotohanan ang sinasabing may nangyaring bentahan ng stocks ng NFA sa Region 2.
Aniya, 2021 pa ang peak ng pagbili nila ng palay at noong 2022 ay hindi na sila gaanong nakabili dahil sa mas mataas na presyo ng mga private traders.
Ang nabili nila sa mga nakaraang taon ay inilalaan nila para sa pagkakaroon ng sapat na suplay ng bigas sa ikalawang rehiyon.