--Ads--

Habang patuloy ang pagbabantay sa posibleng epekto ni Bagyong Uwan, siniguro ng National Food Authority (NFA) ang pagbili ng mga storm-damaged palay mula sa mga magsasakang naapektuhan ng mga nagdaang bagyo o ang mga posibleng maapektuhan sa paparating na bagyo upang maiwasan ang pagkasayang ng kanilang ani at mapanatili ang suplay ng bigas sa rehiyon.

Sinabi ni Emily Regindin, Acting Regional Economist ng NFA Region 2, sa isinagawang Usapang Pagkapayapaan, Usapang Pangkaunlaran (UP-UP) Cagayan Valley ng Tactical Operations Group 2 na ginanap sa lungsod ng Cauayan ay agad na imo-mill ng ahensya ang mga nabiling palay upang mapakinabangan sa mga relief at emergency food programs ng pamahalaan. Layunin nitong masuportahan ang mga lokal na magsasaka habang pinaghahandaan din ang anumang epekto ng paparating na bagyo.

Kasabay nito, pinadali ng NFA ang requirements sa pagbebenta ng palay upang mas mapadali para sa mga magsasaka ang pakikibahagi sa programa. Sapat na ngayon ang RSBSA (Registry System for Basic Sectors in Agriculture) holder ID bilang pangunahing requirement, kapalit ng dating farmers’ passbook.

Tiniyak ni Regindin na may sapat na buffer stock ng bigas sa Region 2 at sa buong bansa, at patuloy ang quality assurance inspections upang masiguro na ligtas at de-kalidad ang mga bigas bago ito ipamahagi.

--Ads--

Sa kabuuan, nananatiling layunin ng NFA na tulungan ang mga magsasaka, mapanatili ang katatagan ng suplay ng bigas, at masiguro ang kahandaan ng ahensya sa harap ng mga banta ng paparating na kalamidad gaya ni Bagyong Uwan.