CAUAYAN CITY – Tiniyak ng National Food Authority (NFA) Region 2 na sapat ang stock nilang bigas para sa relief operations ng mga Local Government Units (LGUs) dahil sa ipinapatupad na Enhance Community Quarantine.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Assistant Regional Director Beverlyn Peralta ng NFA Region 2, sinabi niya na inihahanda na nila ang kanilang mga gilingan para sa mga palay na puwede ng magiling at nang may nakahanda lagi na kanilang stock para sa pamamahagi ng relief goods ng mga LGUs.
Aniya, may nauna na rin silang nabigyan na mga LGUs sa ikalawang rehiyon maging sa Kalinga at Mountain Province.
Bukod sa mga LGUs sa ikalawang rehiyon ay magbibigay din sila sa kalakhang Maynila dahil nangangailangan din sila ng bigas doon.
Ang mga sasakyan aniya na kanilang ginagamit sa pagdedeliver ay may food lane accreditation vehicle pass para mapadali ang kanilang pagdeliver.
Pinayagan naman umano ito ng pamunuan ng PNP matapos na makipag-ugnayan ang kanilang Regional Director kay PNP Chief Archie Gamboa.











