CAUAYAN CITY – Naging matagumpay ang pagdaraos ng National Festival of Talents (NFOT) 2020 sa kabila ng mainit na usapin sa coronavirus disease (COVID-19).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay General Services Officer Ricky Laggui ng lunsod ng Ilagan, sinabi niya na maganda at maayos ang isinagawang NFOT sa lunsod.
Batay aniya sa mga delegado, isa umano ito sa pinakamaayos na naidaos na NFOT.
Aniya, wala namang naging reklamo ang mga delegado maliban lamang sa naranasang pag-ulan kung saan naantala ang ilang programa.
Ayon pa kay Laggui, halos lahat ng mga delegado ay umuwi na rin kahapon.
Karamihan sa mga nauna ng umuwi ay ang mga kalahok na nagmula pa sa mga malalayong lugar pangunahin na sa Visayas at Mindanao.
Nanatili naman ang ilan ngunit inaasahang uuwi na rin ang mga ito ngayong araw.











