CAUAYAN CITY – Hiniling ng pamunuan ng National Irrigation Administration Magat River Integrated Irrigation System o NIA-MARIIS ang pakikipagtulungan ng mga magsasaka upang hindi masayang ang patubig bunsod ng nagbabadyang El Niño Phenomenon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Eng’r. Gileu Michael Dimoloy, Department Manager ng NIA-MARIIS na sa ngayon ay normal pa ang mga pag-ulan ngayong Mayo maging sa Hunyo at Hulyo batay sa forecast ng PAG-ASA at kayang itawid ang pagtatanim ngayong wet season sa kabila ng inaasahang El Niño.
Dahil dito pinaalalahanan nila ang mga magsasaka na ihanda na ang kanilang sakahan at mga canals upang walang masasayang ang tubig.
Kinakailangan din aniyang sumunod sila sa water scheduling o pagpapalabas ng tubig.
Ayon anya sa PAG-ASA, mararamdaman na ang peak ng El Niño sa buwan ng Oktobre hanggang first quarter ng susunod na taon.
Kung walang pag-ulan ay hindi kakayanin ang pagtustos ng tubig subalit nakipag-ugnayan na sila sa tanggapan ng Kagawaran ng Pagsasaka o DA at mayroon nang pondong labing-limang milyong piso para sa pagsasagawa ng cloud seeding kung kinakailangan.
Hiniling ng NIA-MARIIS ang disiplina at kooperasyon ng mga magsasaka upang makatipid ng tubig.
Ang PhilRice ay nagsasagawa na rin ng mga pagsasanay sa mga magsasaka kaugnay sa tamang pagtatanim at paggamit ng patubig.