Kinansela ng National Irrigation Administration-Magat River Integrated Irrigation System o NIA-MARIIS ang sana ay pre-emptive water releasing kahapon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Edwin Viernes, Principal Engineer ng Flood Forecasting Instrumentation Section, sinabi niya na hindi natuloy ang water releasing dahil sa nagtaas ng water utilization ang power company para sa power generation.
Ito ang dahilan kung bakit kinansela nila ang water releasing sa magat river.
Aniya sa halip na idaan sa spill way ay pinadaan na lamang sa turbine ang tubig para sa paglikha ng kuryente kung saan ang average volume na kanilang pinakawalan ay 150 cubic meters per second.
Ang kasalukuyang antas ng tubig sa dam ay 191.16masl mas mababa na kumpara noong nakaraang araw na 191.26masl.
Bumaba na rin ang estimated inflow na kasalukuyang nasa 91.56 cms habang ang outflow ay 136.94cms.
Kung sakali man aniya na magkaroon ng pag-ulan sa mga susunod sa araw o Linggo ay handa parin naman ang NIA-MARIIS na magpakawala ng tubig at mag bukas ng spillway gate bilang pre-emptive measure.
Tinitiyak naman nila sa mga magsasaka na mayroong sapat na tustos ng tubig ang dam para sa wet cropping season.