CAUAYAN CITY – Patuloy na nagsasagawa ng regulated na pagpapalabas ng tubig ang NIA MARIIS Magat dam bilang paghahanda sa paparating na bagyong Rolly.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Wilfredo Gloria, ang Department Manager ng NIA MARIIS, sinabi niya na hindi nila binibigla ang pagpapalabas ng tubig dahil malayo pa naman sa critical level ang elevation ng tubig sa water reservoir.
Ayon kay Engr. Gloria, sa kasalukuyan, nasa 188.34 meters above sea level ang water elevation sa Reservoir at ang inflow ay nasa 494 cubic meters per second at may outflow na 912 cubic meters per second.
Bilang paghahanda sa paparating na bagyo ay binuksan ang dalawang unit ng spillway ng dam na may kabuuang tatlong metro ang luwang upang maregulate ang water elevation ng dam.
Ayon kay Engr. Gloria regulated ang kanilang pagrelease ng tubig upang hindi masyadong maapektuhan ang mga nasa mabababang lugar.
Aniya apat na metro ang dating bukas na spillway gate ng dam pero ibinaba ito sa tatlong metro.
Nalalaman nila ang volume ng papasok na tubig sa pamamagitan ng pagmomonitor sa mga upstream watersheds gamit ang rain gauges.
Sa pag evaluate ng NIA MARIIS ay minimal lamang ang volume na nagmumula sa watershed ng Vizcaya at Ifugao.
Nilinaw naman ng Department Manager ng NIA MARIIS ang maling akala ng ilan na kasama ang Alicaocao overflow Bridge at Sipat overflow bridge sa mga naaapektuhan kapag nagpapalabas ng tubig sa Magat Dam dahil hindi nanggagaling dito ang tubig.