CAUAYAN CITY – Umabot sa 192.67 meters above sea level ang tubig sa reservoir ng NIA MARIIS Magat Dam o halos pumantay sa spilling level nito na 193 meters above sea level.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Wilfredo Gloria, ang Department Manager ng NIA MARIIS, sinabi niya na nasa 7,212 cubic meters per second ang inflow ng tubig at nasa 4496 cubic meters per second naman ang outflow o ang kanilang pinapalabas na tubig.
Pitong spillway gate naman ang kasalukuyang nakabukas na may labing walong metro na kabuuang opening.
Umaasa naman ang NIA MARIS na humupa na ang pag ulan at pagpasok ng malaking antas ng tubig sa Magat dam.
Ayon kay Engr. Gloria, ito na ang pinamalaking pinakawalan nilang tubig mula kahapon ng tanghali at maaaring ito ang nakadagdag sa mga pagbahang naranasan sa bahagi ng Lalawigan ng Cagayan at iba pang lugar sa baba ng nasabing dam.
Aniya mas malaki ang volume ng tubig sa inasahan nila dahil halos pumantay ito sa spilling level ng Dam ngunit ngayong umaga ay tiniyak ng NIA MARIIS na bumababa na ang lebel nito.