Nag-abiso ang pamunuan ng National Irrigation Administration – Magat River Integrated Irrigation System o NIA-Mariis na magpapakawala sila ng tubig mula sa Magat Dam mamayang hapon bilang paghahanda sa ulang dala ng bagyong Kristine.
Sa dam discharge warning na inilabas ng NIA-MARIIS, ala-una ng hapon ang posibleng aktuwal na pagbubukas ng Magat Dam gate.
Paliwanag ng dam management, isang gate ang bubuksan ng isang metro at ang ipalalabas na tubig ay 144 cubic meter per second, at maaaring tumaas o bumaba depende sa aktuwal na daming pumapasok na tubig sa reservoir.
Ang pagbubukas na ito ay para mapanatiling nasa ligtas na lebel ng tubig ang Magat dam habang pinaghahandaan ang posibleng pagbuhos ng ulan sa susunod pang mga araw dahil sa bagyo.
Pinayuhan naman ng NIA-MARIIS ang publiko na umiwas muna sa pagtungo sa mga ilog pangunahin sa Ilog Magat o ibabang bahagi ng Magat dam dahil sa inaasahang pagtaas ng lebel ng tubig sa ilog.
Pinaalalalahanan din nila ang mga magsasaka na ilagay na sa mas ligtas na lugar ang kanilang mga alagang hayop at kagamitan.