Nag-abiso ang National Irrigation Administration NIA-MARIIS na magpapakawala sila ng tubig mula sa Magat Dam reservoir ngayong araw.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Gileu Michael Dimoloy, Department Manager ng NIA-MARIIS, sinabi niya na bubuksan ang isang spillway radial gate ng dam mamayang alas dose ng tanghali na may 181cms na papakawalang tubig sa 1 meter opening.
Ang nasabing water release ay dahil sa patuloy na pagtaas ng water elevation ng Magat Dam na epekto ng mga pag-ulang dulot ng Northeast Monsoon o Amihan.
Maari naman itong magbago depende sa lakas ng ulan sa Magat Watershed.
Dahil dito pinayuhan ng NIA-MARIIS ang publiko lalo na ang mga malapit sa ilog Magat na iwasan na ang pagtawid o pamamalagi sa ilog dahil ito ay mapanganib.
Dalhin na rin sa ligtas na lugar ang mga gamit at alagang hayop.
Pinayuhan din ng NIA-MARIIS ang publiko na laging makinig sa mga ulat panahon at sa abiso ng tanggapan sa kalagayan ng pagpapakawala ng tubig mula sa Magat Dam Spillway Gate.