CAUAYAN CITY- Muling nagpakawala ng tubig ang NIA-MARIIS bilang paghahanda sa posibleng pag-ulan na dala ng mga umiiral na weather system ngayon partikular ang shearline sa Northern Luzon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Carlo Ablan ang Division Manager Dam and Reservoir Division ng NIA-MARIIS sinabi niya na dahil sa malalakas na pag-ulan kahapon ay napagkasunduan nila na muling magbukas ng dalawang spillway gate na may 0.9-meter opening ganap na ala-una ng hapon bilang bahagi ng kanilang preventive water releasing.
Ang kasalukuyang antas ng Dam ay 192.02 meter above sea level kung saan ang inflow ay 248 at ang outflow ay 153 cms.
Aniya ang inflow ay mula sa Nueva Vizaya at Ifugao area dahil sa malalakas na ulan mula pa kahapon.
Mananatiling bukas ang spillway gate at mag papatuloy ang water releasing hanggat walang abisong ipapalabas ang PAGASA.
Muli ay nag-paalala ang NIA-MARIIS sa mga malapit sa Magat river na aasahan ang kaunting pagtaas sa antas ng tubig at ugaliing mag-ingat partikular ang mga nangingisda sa lugar.