Nagbukas ang National Irrigation Administration – Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) ng isang spillway gate sa Magat Dam nitong alas-7 ng umaga, kasunod ng patuloy na pagtaas ng tubig dala ng bagyong “Isang.”
Ayon kay Engr. Edwin Viernes, Flood Forecasting Implementation Head ng NIA-MARIIS, layunin ng pagbubukas ng gate na maiwasan ang panganib ng pagkasira ng dam.
Kahapon alas-3 ng madaling araw, umabot sa 1,600 cms ang inflow ng tubig mula sa Magat Watershed dahil na rin sa malakas na pag-ulang naranasan.
Batay sa pinakahuling monitoring ng NIA-MARIIS, ang antas ng tubig sa Magat Reservoir ay umabot sa 188.66 masl—mas mataas sa rule curve na 181.51 masl ngunit mas mababa pa sa normal high water level na 190.00 masl.
Ang naitalang inflow mula sa watershed ay nasa 543.89 cubic meters per second (cms), habang ang kabuuang outflow ay 206.50 cms. Kasama rito ang discharge mula sa 388 MW Magat Hydropower Plant na 190.00 cms, kaya’t ang kabuuang tubig na dumaloy sa Ilog Magat ay umabot sa 120.25 cms.
Samantala, ang Maris Dam ay nagtala ng elevation na 103.90 masl at nanatiling nasa maayos na kondisyon.
Ipinaliwanag pa ni Viernes na patuloy nilang minomonitor ang antas ng tubig at lakas ng agos mula sa watershed areas, at nakipag-ugnayan sila sa lokal na pamahalaan upang masiguro ang kaligtasan ng mga komunidad na maaaring maapektuhan.
Pinayuhan din niya ang mga residente na huwag munang lumapit, magtungo o maligo sa Ilog Magat habang aktibo ang water release upang maiwasan ang aksidente.











