CAUAYAN CITY – Nagsimula na kaninang alas singko ng umaga ang pagpapakawala ng tubig National Irrigation Administration Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) sa Magat Dam reservoir sa Ramon, Isabela.
Ito ay dahil sa patuloy na pag-ulan na dulot ng northeast monsoon o hanging amihan.
Ang water elevation ng Magat Dam ay 191.63 meters hanggang kaninang alas otso ng umaga, December 19, 2020.
Ang inflow ay 716 cubic meters per second (cms) habang ang outflow ay 532 cms at nakabukas ang isang spillway gate na may taas na 1 meter.
Ito ay maaaring tumaas pa depende sa mga pumapasok na tubig mula sa watershed areas.
Dahil dito ipinapayo sa mga mamamayan na iwasan ang pagtawid o pamamalagi sa tabi ng ilog dahil ito ay mapanganib.
Pinapayuhan din ang mga mamamayan na dalhin ang mga alagang hayop sa mga ligtas na lugar at huwag itali sa malapit sa mga sapa at ilog.